This is my paper for Filipino (pangangatwiran) but decided to post also. :)
Rak
of Aegis
Hangang-hanga ang aking
mga kaibigan nang mapanuod nila ang dulang Rak of Aegis noong ika-1 ng Pebrero. Dahil sa magagandang tugon
nila dito ay lalo akong nasabik panuorin ito sa ika-7 ng Pebrero. Pagmamahal at
pangarap ang tema ng dula na ginanap sa PETA Theater.
Pagpasok sa loob ng
teatro ay una kong hinanap kung saan lalabas ang ulan na nabangit ng aming
propesor. Sa totoo lang ay ito ang pinakaaabang kong eksena. Ngunit dahil hindi
ko makita kung saan ito lalabas, ipinukaw ko nalang sa iba ang aking atensyon. Nakuha
ng stage design team ang karaniwang
itsura sa iskwaters area na barong barong
ang mga bahay, tagpi tagping kahoy ang daanan at mga basurang nagkalat sa baha;
baha na siyang puno’t dulo ng kwento. Maganda ang entablado lalo na’t may
totoong baha pa. Kapuna puna rin ang magandang kulay at kontrast ng mga ilaw na
umangkop sa kada eksena. Dagdag pa, malinaw rin ang sound system sapagkat naintindihan kong mabuti ang mga linya.
Maliban sa disenyo ng
entablado ay mukhang pinaghandaan din ang mga costume. Mababatid sa mga kasuotan ng kada karakter ang kanilang
estado sa buhay at personalidad. Masasabi ko na pinag-isipang husto ang mga ito.
Kagaya na lamang ng bading na tauhan na sa botakong palang ay kitang kita na ang
pagiging fashionista at pagmamahal sa
sapatos. Si kapitana na laging my suot na jacket
at salamin na may tali na nagpapakilalang siya ay matandang kapitana at ina. Angkop
rin ang komportableng muscle t-shirt
na laging kulay orange ni Tolits sa kanyang trabahong taga tulak ng bangka. Ngunit
hindi naman kailangan iisang kulay lang ang kasuotan para magkaroon ng pagkakakilanlan.
Napansin kong karamihan sa kasuotan ni Aileen ay pangitaas na dilaw at
pangibabang maong (maong na palda at pantalon). Sana lang ay mas naging
malikhain sila sa parteng ito.
Base sa nabasa ko sa blog ni Ginoong Teodoro, masasabi kong
naiba na ang napanuod namin noong Pebrero 7 kumpara sa kanilang nakita. Una,
napakarami na ng kantahan. Bagamat may mga parteng napapapikit na ako sa pagkabagot,
masasabi kong mas puno ito ng kantahan kumpara noong Pebrero 1. Pangalawa, iniba
rin ang ibang gumanap sa ibang papel. Hindi namin nakita sina Isay Alvarez, Robert
Sena at Kakay Bautisa kagaya ng napanuod ng unang klase. Gayunman, masasabi
kong nagampanan naman ng maayos ng iba ang kanilang papel. Hindi ko lang
mabatid kung ano ba talaga ang edad ni Aileen sa dula sapagkat parang bata siyang
kung kumilos at magsalita pero ang kanyang trabaho ay taga demo sa pamilihan at may manliligaw na mukhang nasa 23-27 taong
gulang na. Sana ay mas binigyan nila ng linaw ang kanyang edad.
Pagdating naman sa mga
actor, napakagaling at nakakakilig si Jerard Napoles bilang Tolits. Isa siya sa
mga nagustuhan kong karakter sapagkat kahit tatahi-tahimik at pasulyap sulyap
lang kay Aileen, isa siya sa nagbigay ng buhay sa dula. Siya ang nagdadagdag ng
komedya at aliw. Bukod kay Tolits ay nagustuhan ko rin ang karakter ng presidente
ng home owners association.
“Magical”, yan ang masasabi ko sa eksena nina
Tolits at Aileen habang nagduduet sabay pakawala ng bubbles sa background.
Halong tuwa, kilig at hanga ang aking naramdaman sapagkat tamang tama ang
timpla ng eksenang iyon. Hindi sobra, hindi kulang. Bukod sa romantic duet ng dalawa, napakagaling
din ng pagpasok ng presidente ng home
owners association. Siya ay pumasok habang kumakanta na may kasamang rap
habang umaandar ang bangka. Puno ng energy ang pagpasok niyang ito sapagkat
natanggal niya ang antok ko. Itong dalawang eksena ang masasabi kong highlight ng dula.
Isa sa nais kong
baguhin nila sa dula ay ang sobrang daming nagyayari at nagsasalita sa umpisa
ng dula. May naglalakad, tumatakbo at naguusap ng malakas, hindi ko tuloy naintindihan
ang sinabi at kung saan ba ako magppokus. Dapat ay magbigayan hindi yung sabay sabay
naggagalawan lahat.
Pagdating naman sa
istorya, nagustuhan ko na hindi siya isang typical
love story na kung saan ang magkababata ang nagkatuluyan o ang dalawang
maganda at gwapo. Maganda na hindi lamang sa kagwapuhan tumingin si Aileen
kundi sa isang taong hindi siya iniwan at handa siyang tulungan.
Base sa reaksyon ng
aking mga kaibigan na nakapanuod noong Pebrero 1, hindi nito napantayan ang inaasahan
ko. Sayang maganda sana ang dula ngunit maraming nakakabagot na parte.




























